Sunday, December 2, 2012

Bakit ko Tinututulan pa rin ang RH Bill?


Ni Ansel Beluso
Sa mga linggong nagdaan at sa mga nalalabing araw ng sesyon ng Mababa at Mataas na Kapulungan ng Ikalabing-Limang Kongreso, painit nang painit ang debate tungkol sa sinasabing bagong bersiyon ng RH Bill.
Nabasa ko ang lahat ng bersiyon ng RH Bill, lalo na itong pinakahuli. Ipinahahayag ko na hindi ko lang patuloy na tinututulan ang panukalang batas na i
to kungdi lalo pang lumalim, lumawak at naging marubdob ang aking pagtutol dito.

Muli, narito ang mga dahilan ng aking pagtutol na hindi naman natugunan o napabulaanan ng bagong bersiyon – dahil hindi lang basta mga probisyon ang katutul-tutol sa RH Bill kungdi ang pinakadiwa at intensiyon nito.
Una, ako ay sumasampalataya sa kabanalan ng buhay, na siyang pinakasagradong biyaya ng Diyos. Ako ay nananalig na ang buhay ay nagsisimula sa akto ng pagtatagpo ng punlay ng ama at ng itlog ng ina. Ako ay naniniwalang anumang paraan na humahadlang at sumisira sa pagpapatuloy ng likas na daloy ng buhay mula sa puntong iyon ay labag sa kalooban ng Diyos.
Pangalawa, ako ay tutol sa abortion. Bagama’t ang salitang “abortion” ay hindi matatagpuan sa alinmang pahina ng House Bill No. 4244, marami sa mga contraceptive methods na isinusulong at popondohan nito ay mayroong abortifacient potential, may kakayahang magbunga ng tinatawag na chemical abortion. Ang chemical abortion ay abortion.
Pangatlo, naniniwala akong ang tinatawag na reproductive health education component ng RH Bill ay mapanganib para sa pamilya at sa kabataan na ayon sa Saligang Batas ng ating bansa ay tungkulin ng Estado na itaguyod, kalingain at pagyamanin.
Ang RH Bill ay mapanganib sa pamilya dahil pinahihina nito ang ugnayan ng magulang at anak; at pinanghihimasukan nito ang karapatan at obligasyon ng magulang bilang pangunahing guro at gabay ng mga anak sa usapin ng seksuwalidad.
Ito rin ay mapanganib sa kabataan dahil ituturo nitong isabuhay ng ating mga anak ang kalayaang magbubunga ng ibayong kapusukan at mga maling pagpapahalaga. Ito ay salungat sa aral ni Ama at ni Ina, kumakalaban sa tradisyon at kalinangan nating mga Filipino, at may malaking potensiyal na magdulot ng peligro sa kapakanan ng mga bagong sibol na Filipino.
Pang-apat, naniniwala akong hindi solusyon ang idudulot ng RH Bill kungdi karagdagan pang problema. Nakikita natin ang masamang bungang idinulot ng batas na ito sa mga kanluraning bansa – contraceptive mentality, secular lifestyle, godless ideology, etc. Ang batas na ito ay nagpapabago sa pananaw at pagpapahalaga ng lipunan sa lahat ng aspeto ng buhay na nauuwi sa kapahamakan ng tao sa pangkalahatan.
Panglima, hindi ako naniniwalang ang RH Bill ay pangkababaihan. Una, isang katotohanang marami sa mga contraceptive methods na sinasabing “safe” ay hindi “safe” dahil nagpapanipis ng matres, nagpaparupok sa obaryo, sumisira sa natural cycles ng katawan ng babae, at may potensiyal na magbunga ng sakit tulad ng iba’t ibang cancer. Pangalawa, walang contraceptive method na 100 percent safe. Ang mga kontraseptibong itinuturing na 99-percent safe ay naglalagay sa panganib sa 1 percent ng gumagamit nito. Samakatuwid, sa bawat isang milyong kababaihang gumagamit ng 99-percent safe contraceptive methods ay may sampung libong babaeng magkakaroon ng pinsala mula rito.
Pang-anim, hindi ako naniniwalang ang RH Bill ay pangmahirap. Ayon sa aking payak na pang-unawa, ang solusyon sa kahirapan ay hindi yung lipulin natin ang mga mahirap at hadlangan ang kanilang likas na kakayahang magparami. Sa halip, kasama sa mandato ng pamahalaan na mabigyan sila ng mga paraan upang makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng mga basic services na kailangan nila para magkaroon ng parehas na laban sa buhay, umunlad, yumaman at makapag-ambag din sa lalo pang ikasasagana ng bansa.
Pampito, kumakatig ako sa paninindigang ang pondong inilalaan para sa RH Bill na nagkakahalaga ng P37B ay higit na epektibo kung ilalagak para sa mga programang pangkabuhayan, pang-edukasyon, pangkalusugan, at iba pang mas kailangan ng taumbayan tulad ng pabahay at relokasyon ng mga informal settlers, solusyon sa baha at mga kagamitang kailangan para sa pagsansala sa pinsala ng kalamidad, pangmatagalang programa para sa kaunlaran ng Mindanao, sustenableng tugon sa problema ng communist insurgency na ipinaglalaban pa rin ng CPP-NPA, trabaho at hanapbuhay para hindi na kailangang mangibang-bayan ang mga Filipino na pumipinsala sa kapakanan ng pamilya, at marami pa.
Pangwalo, ang panukalang ito ay isang redundancy dahil marami sa mga probisyon nito ay nakapaloob na rin sa iba pang batas, partikular ang Magna Carta of Women. At ang mga programang nilalayong pondohan nito ay sapat na ring natutugunan ng mga umiiral nang programa ng DOH, DepEd, DSWD at iba pang kagawaran ng pamahalaan.
Pangsiyam, ayokong magsawalang-bahala at nakararamdam ako ng pangangailang kumilos sa harap ng banta sa katiwasayan at kaunlaran ng kinabukasan ng aking mga anak at apo. Hindi ko hahayaang dalhin sa tiyak na kapariwaraan ang buhay at bukas ng susunod na mga henerasyon ng mga Filipino.
Pangsampu, sumasampalataya ako sa Simbahang Romano Katoliko at Apostoliko; at kusa akong pumapailalim at nagpapasakop sa mga Obispo at kaparian na pinananaligan kong nag-aangkin ng dunong ng tao at pinagdadaluyan ng dunong ng Diyos. Naniniwala akong hindi katigasan ng ulo o bulag na pagtaguyod sa makaluma at sinaunang kaisipan ang nagbubunsod sa Simbahan para tutulan ang RH Bill; naniniwala akong ang panukalang ito ay labag sa kalooban ng Diyos kaya ito, ayon sa kunsensiya ko, ay imoral at makasalanan.
Panginoon, gabayan Mo ang Iyong bayan.
Source: CBCP for LIFE

No comments:

Disclaimer

Civil Engineer's World claims no credit for any images/videos featured on this site unless otherwise noted. All visual content is a Copyright to it’s respectful owners(links). Civil Engineer's World is in no way responsible for or has control of the content of any external web links. Information on this site may contain errors or inaccuracies and Civil Engineer's World does not make warranty as to the correctness or reliability of the webs' content. If you own rights to any of the images and contents, and do not wish them to appear on this site, please contact Civil Engineer World by and they will be promptly removed.

On posts about Financial Literacy:
Any forward looking statements, market predictions, analysis written on this site should be treated with caution. The market may move in the direction different from any person's opinion. In no occasion that I am responsible to your loss based on the details you have read on this website. Investment requires due diligence, study and experience before gains can be achieved and the readers are responsible for the trades they are executing. Contents of the page may be changed without prior notice.